Monday, September 28, 2015

“Nowadays, thanks to Wattpad, teenagers are now into reading for pleasure. In my opinion, that’s great. At least they’re reading but I have a problem with what they’re reading. I’m glad that there are Filipino authors who are getting exposure and Wattpad is getting people to read again.” --- Zurina Alvarez (2015)
Aktibong netizen man o hindi, siguro ay napakinig mo na ang komunidad na Wattpad. Ito ay parte ng social media, kung saan ay malayang nakakapagbahagi ang mga tao ng kanilang mga nalikhang sulatin. Wala itong pinipiling edad, kasarian, nasyonalidad sa mga gustong magbahagi o magbasa dito. Wala rin itong pinipiling dyanra, istilo at porma ng pagsusulat. Mabilis ding lumaganap ang pagsikat nito sa Pilipinas, lalo na sa ating kabataan.
Noong 2013, umaksyon ang mga kompanyang naglilimbag ng mga libro (tulad na lang ng PSICOM Publishing Inc. at Summit Books) at nalimbag sa Pilipinas ang mga pinakaunang nobelang hango sa mga sulatin sa Wattpad. Sa simula'y nais mag-eksperimento ng mga kompanyang ito kung magiging mabili ang mga libro at sa katunayan ay nabansagan pang "#1 Best-Selling Book of 2013" ang “Diary ng Panget” na sinulat ni Denny (di niya tunay na pangalan) or mas kilala bilang HaveYouSeenThisGirl sa Wattpad. Dahil naging epektibo ito, ipinagpatuloy ng mga kompanya ang paglilimbag ng mga librong ganito. Sa katunayan ay lumaganap pa ang impluwensiya ng Wattpad, sa tulong na din ng kasikatan nito sa kabataang Pinoy, at nagkaroon ng mga adaptasyon nito sa pelikula at teleserye sa local channels.
Ayon din sa artikulo ni Alvarez, dahil na din sa di matitinag na trend nito ay nagsimulang mangamba ang mga kritiko ng pantikan na maaring ito ang maging panibagong mukha ng modernong panitikang Filipino. Maari din itong makaapekto sa mga bagong manunulat sa paraang ito ang gawing pamantayan kanilang istilo ng pagsusulat. Karamihan sa mga tekstong sinasaloob ng mga Wattpad na libro ay may impormal na pagsulat bagaman ito'y dumaan na sa pagsusuri ng mga patnugot. Di malabong gamitin ito nga mga bagong manunulat bilang source at gamitin ito bilang standards nila sa kanilang pagsusulat. Kung magpapatuloy ang ganitong gawain ay di din malabong bumaba ang kalidad ng panitikan sa bansang ito sa takdang panahon.
Nais naming hikayatin ang mga bagong manunulat na paunlarin ang ating panitikan. Ito ay sa tulong ng makabagong teknolohiya tulad ng Wattpad. Ngunit, sa kabilang banda, dapat panatilihin ang mataas na kalidad ng akda.
Ayon sa isang tanyag na manunulat na si Stephen King, “Kung wala kang oras para magbasa, wala kang oras (o mga gamit) para magsulat. Ganun lang iyon kasimple.”
Hindi mapaghihiwalay ang pagbabasa at pagsusulat. Kaya may paniniwala na para gumaling sa pagsusulat ay wag dapat kalimutan na magbasa. Maaring ang mga binabasa mo ang makapaghubog ng iyong sinusulat. Isa ito sa mga binibigay na payo sa mga nangangarap maging magaling na manunulat balang araw at sa mga bagong nagsisimula pa lamang sa larangang ito.
Ang paggamit ng mga nobelang galing sa Wattpad ay di magandang desisyon. Kakaunti lamang sa mga ito ang may mga kalidad na inaasahan ng mga kritiko ng panitikan.
Base sa personal na karanasan na inilahad ng isa sa aming kagrupo na tatlong taon ng manunulat ng Wattpad, noong mga panahong nahuhumaling pa siya sa mga istoryang Wattpad na nagtataglay ng impormal na pagkakasulat ay naimpluwensiyahan nito ng malaki ang kanyang istilo ng pagsusulat. Nang ikinumpara niya ang kanyang dating istilo sa kanyang istilo ngayon ay malaki ang pinagkaiba nito. Malayo na sa impormal na pagsusulat ang kanyang mga likha ngayon. Malamang ay ito ay dahil sa umunlad ang kanyang istilo pero kundi dahil sa pagkakaalam niyang hindi magandang basehan ang mga istorya sa Wattpad ay magiging mabagal siguro ang pagunlad nito. Nakakasiguro kaming hindi siya ang nag-iisang napapunta sa sitwasyong ganito. Marami ding mga bagong manunulat na hindi naghahanap ng mga magagandang basehan na maaaring mabasa. Ilang halimbawa dito ay ang mga sulatin na nagwagi ng Palanca Awards for Literature. Bagaman magaganda, karamihan sa mga nagwagi dito ay hindi pa nabibigyang-pansin na tulad ng mga kwento sa wattpad. Ang mga ito ay masasabi nating nakapasa sa pitong literary standards for world literature.
 Ayon sa pagsisiyasat ng Purse Asia International, tinatayang 1 sa 15 na mag-aaral sa mataas na paaralan ay araw araw na gumagamit ng WattPad. Tinatayang nasa 23 milyon ang mag-aaral ngayon taon kung kaya’t nasa 1.5 milyon na estudyante ang gumagamit ng Wattpad. Kung sila ang sisimbulo sa popular at modernong panitikan na patuloy na ikinawawalang bahala ang konteksto ng kanilang binabasa ay maaring bumaba ang tingin ng hindi lamang ng sariling bansa ngunit pati na rin ng mundo sa kalidad nito. Ang magiging epekto nito sa mga bagong manunulat at pati na rin sa imahe ng Modernong Panitikan ng Pilipinas ang nagtulak sa amin para bigyang pansin ang problemang ito.
Dahil dito, naisip naming gumawa ng isang proyekto na magiging daan ng pagbalik ng dating sigla at ganda ng panitikang Filipino. Sa pamamagitan ng mga modernong kagamitan ay malalaman ng mga bagong manunulat na ang ibang kwento na ginagawa nilang batayan sa WattPad ay hindi umaabot sa pamantayan ng maayos na panitikan. Mamumulat sila sa kung ano ang tama at magandang gawing kuwento at kung paano ito isulat ng maayos. Malilinang din ang kakayahan ng ibang mga awtor na magiging daan upang magkaroon tayo ng mas magagandang babasahin. Ito din ang maaring maging daan ng pagkakaroon ng mas kapana-panabik na panoorin, sa telebisyon man o pelikula.
Nais naming bigyan ng sapat na kaalaman ang mga bagong manunulat ukol sa mga magaganda at masasamang impluwensiya ng Wattpad sa kanilang pagsusulat. Pati na rin ay ipamulat sa kanila na may masmaaasahan na mga libro na maaring gawing batayan sa kanilang pagsusulat. Para na rin mabawasan ang mababang kalidad ng pagsusulat ay nais namin hikayatin ang mga maunulat ng Wattpad na paunlarin ang kanilang istilo ng panunulat. Para na rin sa mga manunulat at mambabasa ng WattPad, hangad namin ang makapagmungkahi ng mga batayan sa pagtataya/pageevaluate ng iba’t ibang teksto na nababasa sa Wattpad. Huli sa lahat, nais naming matuto ang mga manunulat na batikusin ang kanilang sariling likha batay sa posibilidad nitong pumasa sa pitong pamantayan ng magandang akdang-pampanitikan: kasiningan, kagandahang intelektwal, pagpapahiwatig, halagang ispiritwal, hindi pagbabago, pandaigdigan, at  istilo ng pagsulat.
Dahil ang pagkahumaling ng teenagers sa WattPad ay hindi mapipigilang trend, di maaring patigilin ang isang trend. Kaya una sa plano naming ay bigyan ng sapat na kaalaman ang mga netizen ukol sa mga uri ng pagsusulat tulad na lang ng pormal at di-pormal, sa mga wastong paraaan ng pagsusulat, mga pamantayan ng panitikan at iba pang ukol dito. Magbabahagi din kami ng mga paraan para maevaluate ng mambabasa/manunulat ang mga barayti ng teksto na mahahanap sa Wattpad. Di lang ang mga sinulat ng ibang tao kundi pati na rin ang kanilang mga sinulat.
Pangalawa ay maggagawa din kami ng survey prinara sa masmadaling malaman ang mga kailangan ipagbigay alam sa nakararami. Magpapasagot kami ng mga katanungan tungkol sa mga interes ng mga miyembro ng Wattpad, kung ano ang mga opinion nila hingil sa paglilimbag ng mga librong galing sa WattPad, at ang kanilang masasabi ukol sa paraan ng pagsusulat ng nakararaming manunulat ng nasabing komunidad.
Pangatlo, para sa mga nagahahanap ng mga mapagbabasehang libro, maggagawa kami ng lathala ng mga librong mairerekomenda namin. Maaring galing din itong Wattpad o mga ambag ng mga tradisyunal nating mga manunulat. Ang mga mapipili naming mga akdang pampanitikan ay kailangang pumasa sa pamantayan ng panitikan at sa kung ano ang dapat gawing huwaran ng mga manunulat.
Pang-apat, maipapahayag namin ang aming adbokasiya sa tulong na din nga mga grapikong pantulong na ipapaskil sa aming blog para makaakit ng mas maraming audience. Makatutulong na din ito upang maipahayag naming ang aming mensahe sa pamamagitan ng mga larawan na nagbubuod ng tinatalakay naming sa bawat post sa blog. Maari itong maging drawing, komik, o infographic.
Nais naming itaguyod sa adbokasiyang ito ang pagkakaroon ng sariling kritiko ang mga mambabasa't manunulat sa kanilang mga sarili at makapili ang mga ito ng wastong babasahin na siyang dapat talagang paglaanan ng oras. Marami rami na rin ang mga taong naggagawa ng usapin tungkol sa di magagandang impluwensya ng mga sulatin sa WattPad kaya sa panglima, ito ang mga gagamitin namin para lalong makapagpahayag ng aming adbokasiya. Magbabahagi kami ng mga tampok na sanaysay at artikulo, tulad na lamang ng pinanggalingan ng sipi sa umpisa ng konseptong papel na ito na isinulat ni Zurina Alvarez. Magtatampok din kami ng mga lathala sa Wattpad na angkop sa aming adbokasiya, kagaya na lamang ng “#SaveLiteratureKuno” ni Rayne Mariano (a.k.a. Pilosopotasya ng Wattpad) kung saan tinatalakay ng may-akda ang kanyang sariling pananaw ukol sa tamang paraan ng pagsusulat.
Dahil nga di mapipigilan ang Wattpad trend ay naisip namin ang panghuli sa aming mga paraan, sa loob kami gagawa ng aksyon. Ipupunto namin ang mga dapat at hindi dapat sa pagsusulat, at kung maari ay makapaglahad kami ng aming adbokasiya sa loob ng Wattpad.
Sa pamamagitan ng aming adbokasiya, masasagot o kaya naman ay mababawasan natin ang mga kulang at mga maling ideya ukol sa panitikan at wika na angkin ng mga modernong tao sa panahon ngayon. Hindi sapat lang na sabihin naming ito sa mga tao sa paligid kundi gagamitin na din naming ang pamamaraan ng internet at social media, “fight fire with fire” ika nga. Ano ano ba ang mabuting maidudulot ng aming adbokasiya sa modernong panahon?
Unang una ay mabibigyan namin ang mga netizens ng sapat na ideya tungkol sa mga maling gawi ng mga tao at mga awtor sa wattpad. Masyado nang cliché ang mga nilalaman nito at mistulang binasta na. Kapag naipaalam ito sa mga mambabasa na siguradong hindi ito pansin kasi tumitingin lamang sila sa heneral na kahulugan ng isang panitikan na nasa wattpad, mas mapapahalagahan ng mga mambabasa lalo na ang mga awtor ang kabuluhan ng tamang paggamit ng wika sa panitikan. Simpleng gawi lamang ito subalit, kapag ito ay sineryoso ng mga wattpat awtors, ay lalaki ang pagbabago na makikita sa mga libro na gawa ng mga tao na inilathala. Ilan sa mga pagbabago ay ang pagiging makabago ng mga ideya sa bawat istorya ng bawat awtor, tamang paggamit ng mga salita, tamang balarila, at mga storya na malalim ang magiging epekto sa isang mambabasa.
Dahil na din madami sa mga pinapalabas ngayong teleserye (Wattpad Series ng TV5) at mga pelikulang ginagawa at napalabas na (Diary ng Panget, She’s Dating The Gangster at Just The Way You Are) ay adaptasyon ng mga palabas ng Wattpad, maaring ang pagsasaayos ng mga sulatin ay makaapekto sa mga ipapalabas sa hinaharap.

Samakatuwid, magagawa naming ang mga layunin namin na: (1.) Bigyan ng sapat na kaalaman ang mga bagong manunulat ukol sa magaganda at masasamang dulot ng wattpad sa kanilang  pagsusulat, (2.)makapagmungkahi ng mga batayan sa pagtatala/pageevaluate ng iba’t ibang teksto na nababasa sa wattpad, (3.) hikayatin ang mga manunulat ng wattpad na paunlarin ang kanilang istilo ng panunulat at (4.)Pag nangyari ang mga ito, maasahan nating  mas magiging mayaman ang wika sa mga sulatin sa wattpad at mas mahihikayat ang mga mambabasa na magbasa ng may mga kwentang kwento na nakalaan sa Wattpad. Dahil na nga wika ang pinag uusapan natin, mga konteksto kulang sa kabuluhan at orihinalidad ay magiging babasahin na karapat dapat paglaanan ng oras sa pagbabasa na hindi naman masama ang magiging epekto. Kapag nasanay ang mga mambabasa at awtor sa mga ito, magiging normal na ito at magiging karaniwang gawain na ng mga mambabasa at awtor na magbasa ng mga panitikang malalalim at magsulat at lumikha na din ng mga ganitong klase ng panitikan. Ang mga kwentong may kwenta’t maipagmamalaki bilang likhang Pinoy.